Ang Poveda ang aking pangalawang tahanan. Maraming kayamanan ang dito ko'y natagpuan. Isang napakagandang alaala ang makita ang pinagmulan ng isang institusyong humuhubog ng aking pagkatao at kinabukasan. Buhat sa isang lupain naitayo ang pundasyon ng aking pangalawang tahanan.
Lumipas at nagdaan na ang maraming panahon ang Poveda'y matatag at nakatayo pa rin na pinagmulan ng kaligayahan , buhay at pag-asa. Sa silong ng Poveda dumadaloy ang kaligayahan, buhay at pag-asa dahil ito ang institusyong higit na kumikilala sa pagkakaiba-iba ng bawat indibidwal, malawak na pang-unawang ispiritwal at kakayahan ng bawat isa na umunlad sa sariling pamamaraan ngunit nabubuklod sa bigkis ng isang pamilya.
Bilang isang estudyante, nakita at nakilala ko rin ang ilang mahahalagang taong sumisilong din sa aking pangalawang tahanan at ang santong pinag-ugatan ng prinsipyo ng paggalang at pagkilala sa bawat indibidual. Sa bawat araw ng pagtungo ko rito'y naguguhit ang isang malaking ngiti sa aking puso, ang buhay na nagbibigay-lakas at liwanag at ang pag-asa sa aking puso't isipan ay nakaukit sapagkat ang aking buong pagkatao'y napag-iingatan ng mabubuting kamay. Lubos na kagalakan ang mamulat sa paraang kinikilala ang sarili kong kakayahan at abilidad. Bilang isang indibidwal nakakamit ko ang aking kalayaang mamuhay, mag-aral at sumaya. Ang lahat ng ito ay utang ko higit lahat sa kabutihan ng isang paring martir na si Santo Pedro Poveda. Kung di dumaan ang panahon na siya'y namuhay, ang samahan ng mga Teresiana ay di mabubuo at marahil ay di ko na rin makakamtam ang mga bagay na aking nabanggit. Ang silong na aking ginagalawan ay isang patunay ng pagmamahal si Santo Pedro Poveda sa tao at edukasyon.
Nahuhugot ko rin ang pag-asa, buhay at kaligayahan sa pagkakaroon ng mga mahahalagang pangyayaring sumasailalim sa malawak na pang-unawang ispiritwal. Sa Poveda nabuksan ang aking isipan at puso sa maraming katotohanan. Dito ko napaunlad ang aking paniniwala at pananampalataya sa Dakilang Lumikha. Hindi lamang ang aking kaalaman at kasanayan ang hinasa kundi pati na rin ang ispiritwal kong pamumuhay at pakikitungo sa ibang tao. Muling nabubuhay ang aking pagkatao sa tuwing ako'y nakikipag-usap sa Diyos na nagbubunga ng pagtungo sa kalaliman ng aking sarili. Nabibigyan ako ng bagong pag-asa dahil napagtanto ko ang walang hanggang kabutihan at pagmamahal ng Diyos sa akin. Higit sa lahat ako'y lumiligaya sapagkat naibalot na ng nakaraan ang aking mga pighati at kasawian. Lahat ng ito ay nabalot na sa isang kahon ng paniniwalang ipinalaganap ni Santo Pedro Poveda. Sa silong ng Poveda hinuhubog ang kabuuan ng isang indibidwal.
Nakatutulong rin sa akin ang pagsasanay na mapaunlad ko ang aking kakayahan sa sariling pamamaraan. Higit sa lahat, natatangi ang pamilyang aking kinamulatan sa Poveda. Mahirap nang ipagpalit ang pamilyang nagmamahal at nagpapasaya sa bawat biyahe ng aking buhay. Sa bawat kamay ng aking mga kapamilya, nabibigkis ang isang layunin na mapalaganap ang edukasyong may kalidad na magsisilbing daan upang makalikha ng mga pagbabago. Ito ang mga pagbabagong uukit ng magandang kinabukasan sa lahat.
Nakatutuwang isipin na ako'y nakatapak sa Poveda. Sa lahat ng aking mga naranasan, tunay na ang silong ng aking pangalawang tahanan ang pinagmulan ng kaligayahn, buhay at pag-asa. Ako'y isang Povedan sa puso't isipan gayundin sa aking gawa. Ito'y ipinagmamalaki ko!
*Unang gantimpala sa ginanap na pagsulat ng sanaysay nuong Hulyo.